Lisensya ng PMA doctors na sumuri kay Cadet Dormitorio, pinababawi

Hiniling ni AKO Bicol Rep. Alfredo Garbin sa Professional Regulation Commission na tanggalan ng lisensya ang mga academy doctors na sumuri kay Philippine Military Academy (PMA) Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Ayon kay Garbin, isa sa may-akda ng Anti-Hazing Law, dapat na tanggalan ng lisensya ang mga doktor na tumingin kay Dormitorio na iniimbestigahan rin sa pagkamatay ng plebo.

Sa halip aniya na iligtas ng mga doktor ng akademya ang buhay ni Dormitorio ay mali pa ang naging diagnosis sa lagay ng plebo, at hindi man lamang sinuri ito ng mabuti.

Aniya, kung hindi nagpabaya ang mga doktor ay posibleng buhay pa si Dormitorio.

Malinaw aniya na mayroong administrative, professional, civil, at criminal liabilities ang mga doktor ng PMA Station Hospital dahil sa ginawang kapabayaan.

Posible ding maharap sa criminal negligence sina Captain Flor Apple Apostol at Major Ofelia Beloy, ang dalawang doktor na sumuri kay Dormitorio, dahil sa maling diagnosis sa kadete.