Lipa City LGU, magbubukas ng 3 vaccination sites ngayong araw para mabakunahan ang senior citizens

Tatlong vaccination sites ang sabay-sabay na bubuksan ngayong araw sa Lipa City para sa pagbabakuna sa mga senior citizens.

Ayon sa Lipa City local government, bukod tanging mga nakakatanda muna na naabisuhan ng barangay health workers at City Health Office ang maaaring pumunta sa vaccination sites.

Ito’y dahil sa limitado pa ang suplay ng bakuna na nakakarating sa lungsod.

Sa unang vaccination site sa Seventh Day Adventist may 300 slots ang inilaan para sa mga taga-Barangay Marawoy habang 300 slots din sa Bolbok National High School para sa siyam na barangay sa South District.

May pinakamaraming slots naman ang inilaan sa SM City Lipa na abot sa 500 para sa mga residente na taga-Barangay Sabang.

Pagtiyak pa ng LGU na ipagpapatuloy ang vaccination sa sandaling dumating pa ang karagdagang COVID vaccine.