Lider ng drug group sa Surigao del Norte, nadakip ng PDEA sa buy-bust

Isang sinasabing lider ng ‘drug group’ ang naaresto sa isang “buy-bust operation” sa Surigao del Norte nitong Nobyembre 20.

Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino ang suspek na si Nicasio Espuerta Sulapas alias “Bayoyoy,” lider ng Bayoyoy Drug Group, at itinuturing na isang “high-value target” ng mga operatiba.

‪Bandang alas-3 ng hapon, araw ng Martes ‘nung nakalipas na linggo, ang pinagsamang elemento ng PDEA Regional Office 13 o CARAGA at lokal na kapulisan ay nagsagawa ng “buy-bust operation” sa Barangay Singko, Poblacion, General Luna, Surigao del Norte na nagresulta sa pagkaka-aresto kay Sulapas. ‬

Nakumpiska sa nasabing operasyon ang pitong piraso ng ‘heat-sealed transparent plastic sachet’ na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, na may timbang na humigit-kumulang limang gramo at may estimated value na Php3,400.00.

Ang suspek ay nahaharap sa kaso kaugnay ng paglabag sa Section 5 (Sale of Illegal Drugs), at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165,  o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.” | ulat ni Ched Oliva