Libreng WiFi na naitayo sa ilalim ng Phase 1 project, pina-aaward na lang ng DICT sa UNDP

Inirekomenda ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na i-award na lamang ng United Nations Development Programme (UNDP) ang free WiFi sites na naitayo sa bansa sa ilalim ng Phase 1 project.

Ayon kay DICT Undersecretary Manny Caintic sa Committee on Good Government and Public Accountability, panel na pinagaaralan nilang mapagkasunduan ng UNDP na ibigay na lamang ang mga natapos na Wi-Fi sites sa local contractor dahil ito ay installed at operational na rin.

2018 nang makipagkasundo ang DICT sa UNDP na maglagay ng 6,000 free Wi-Fi sites sa bansa na hinati naman sa tatlong phase.

Ngunit, pumalya ang contractor ng UNDP na Speedcast na ma-i-deliver ang 3,000 sites sa ilalim ng Phase 1 at sa halip ay 882 free Wi-Fi sites lamang ang natapos.

Dahil tinapos na lamang ang contract para sa Phase 1 ay hinahanapan ng paraan ngayon ng DICT na maipagpatuloy pa ang operasyon ng mga sites upang hindi masayang.

Hindi naman na itutuloy ang Phase 2 at ang $5.88 million na ibinayad ay naibalik na ng UNDP sa Bureau of Treasury.

Ang PLDT naman ang magtutuloy ng Phase 3 kung saan target itayo ang 1,000 Wi-Fi sites na katumbas ng $2.967 million.