Libreng WiFi at internet service sa isolation facilities, hiniling ng isang mambabatas,

Nanawagan si Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo sa telecommunications companies (telcos) na maglagay ng libreng WiFi at internet service sa mga isolation facilities sa buong bansa bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility.

Naniniwala ang kongresista na sa pamamagitan nito ay mas mahikayat ang COVID-19 positive patients na asymptomatic at may mild o moderate cases na i-isolate ang kanilang mga sarili sa facilities.

Hindi aniya kasi makakaramdam ng pag-iisa ang mga pasyente dahil may paraan para makausap ang kanilang mga pamilya.

Tinukoy nito na marami sa mga quarantine center sa mga probinsya ang malayo at wala man lamang signal o internet connectivity.

Dagdag pa ng kinatawan, makakatulong ito para maiwasan ang virus transmission sa mga bahay lalo pa’t marami nang napaulat na kumakalat sa mga tahanan ang sakit dahil sa bahay lamang din naka-isolate ang isang myembro ng pamilya na infected.