Libreng tablet para sa mga Grade 9 hanggang Grade 12 students sa Caloocan, ibibigay sa Nobyembre

Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Caloocan na sa susunod na buwan o sa Nobyembre pa masisimulan ang pamimigay ng libreng tablet sa mga estudyante na nasa Grade 9 hanggang Grade 12 sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Paliwanag ng lokal na pamahalaan, dumaan sa masusing bidding at pagtupad sa mga proseso ang pagbili ng tablet na siyang gagamitin ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral sa ilalim ng blended distance learning.

Tinatayang aabot sa 66,000 ang bilang ng tablet na ipamimigay ng lokal na pamahalaaan sa mga mag-aaral.

Kaugnay nito ay pansamantala munang gagamit ang mga nasabing mag-aaral ng mga self-learning modules sa kanilang mga klase upang hindi maantala ang kanilang pag-aaral.

Ang mga modules ay kukunin mula sa magulang ng mag-aaral sa katapusan ng bawat linggo para sa evaluation ng guro.