Libreng face mask para sa mga protocol violators, dapat munang ipamigay bilang disiplina

Imbes na hulihin at ikulong, mas nararapat umanong mamigay na lamang ng libreng face mask ang pamahalaan sa mga protocol violators.

Ito’y matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aresto sa mga taong hindi tama ang pagsusuot ng face mask.

Sinabi ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, sang-ayon siya na kailangang mas higpitan ang pagpapatupad ng mga protocols para maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit.

Subalit, maliban sa tapang upang madisiplina ang ayaw talaga sumunod, kailangan din daw ng malasakit para sa mga hindi makasunod dahil sa kahirapan ng buhay at kakulangan ng tamang impormasyon.

Para makapagbigay ng libreng face mask, nagkasundo ang tanggapan ng senador, Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine National Police (PNP) na mamigay ng face mask sa mga detainees na inaresto dahil sa paglabag sa protocols

Napagkasunduan ng PNP, DTI, at ng senador na kapag nahuli ng pulis at bago ilagay sa selda ay bigyan ng face mask dahil baka ang mga ito ay walang pambili ng face mask.

Pinaalalahanan din niya ang mga awtoridad na kailangan ipakita ang pagmamalasakit habang ipinatutupad ang disiplina at batas.

Maliban sa pagbigay ng libreng mask, iminungkahi din niya na turuan rin dapat ang taumbayan kung bakit importante ang mga patakarang ito sa panahong ito na kung saan andyan pa ang banta ng kalabang hindi naman nakikita, kailangan natin ang disiplina at pakikiisa ng bawat Pilipino.

Muli ring ipinaalala niya ang kahalagahan ng face mask dahil umaabot sa 85% ang kakayahan nito na masala ang anumang virus na maaaring banta sa kalusugan ng mga tao.