Libreng COVID-19 test at isolation compensation, panawagan ng isang mambabatas

Hinimok ni Iloilo Representative Janette Garin ang pamahalaan na magsagawa ng libreng targeted mass testing at magbigay ng kompensasyon sa mga COVID-19 positive na magpapa-isolate.

Punto ng kinatawan, kailangan pa rin ng maigting na testing dahil sa hindi agaran ang epekto ng bakuna.

Mahalaga pa rin aniya ang pagsasagawa ng testing upang mapababa ang tyansa ng mutation at pagkalat ng virus.

Para naman mahimok na mag-isolate ang mga nagpositibo sa COVID-19, iminungkahi ni Garin na bigyan ito ng insentibo oras na matapos ang required quarantine period.

Aniya, marami sa mga pasyente ang ayaw mag-isolate dahil apektado ang kanilang kita at kabuhayan sa mga araw na sila ay kailangan mag-quarantine.

Suhestyon ng mambabatas bigyan ng ₱10,000 na kompensasyon ang mga pasyente na tatapusin ang isolation period.