Libreng concert, fireworks display, inorganisa ng Marikina para sa pagsalubong ng Bagong Taon

Hinimok ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang mga residente na huwag nang magpaputok sa bakuran ng kanilang bahay sa pagsalubong ng bagong taon.

Sa halip, mas maigi na dumalo na lang sa libreng pa-concert at fireworks display sa Marikina Sports Center mula alas-7 ng gabi hanggang alas-11 ng gabi ng Disyembre 31.

Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, mas magandang salubungin ang selebrasyon ng bagong taon na ligtas at mapayapa.

Aniya, naging tradisyon na ng mga taga Marikina ang panonood ng fireworks display at year-end concert.

Hindi lamang ito para sa mga taga Marikina kundi para na rin sa kalapit lugar tulad ng Quezon City, Pasig City at Rizal.

Layon ng proyektong ito ng lokal na pamahalaan, ay upang mabawasan kung hindi man tuluyang mapigilan ang firecracker-related injuries at mga pinsala sa ari-arian.