LGUs, pinaghahanda ng NTF Against COVID-19 para sa pag-iimbak ng mga sensitibong COVID-19 vaccine

Kailangang paghandaan ng mga lokal na pamahalaan ang pagdating sa bansa ng mga inorder na bakunang Pfizer, Moderna, at Sputnik V.

Ito ang inihayag ng National Task Force Against COVID-19 kasunod ng naisarang kasunduan ng gobyerno para sa bibilhing 40 milyong doses ng Pfizer vaccines, 20 milyong doses  mula sa Moderna, at 10 milyong doses ng Sputnik V.

Paliwanag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., sensitibo kasi ang mga nabanggit na bakuna na may itinatakdang storage temperature requirements.

Negative 80 hanggang negative 60 degrees Centigrade ang required temperature para sa Pfizer habang ang Moderna at Sputnik V naman ay kailangang nasa negative 20 degrees Centigrade.

Ikinatuwiran ni Galvez na kailangang makasiguro sila na ang mga hahatirang Local Government Units ay may kakayahang mag-imbak  ng ganitong uri ng sensitibong mga bakuna upang hindi masayang ang mga ito.

Inaasahan ang maramihang pagdating ng tatlong brand ng bakuna simula Agosto,  kasabay ng pagsisimula ng pagbabakuna sa general population at mga nasa 12-years old to 18-years age group.