LGUs, nagpahayag na ng suporta sa localized peace talks sa mga rebeldeng komunista – DILG

Umaani na ng malawakang suporta sa mga local government unit (LGUs) ang planong localized peace talks sa rebeldeng New Peoples Army (NPA).

Ito ay base sa feedback na natatanggap ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na nagpahiwatig ng kanilang kagustuhan para mawakasan na ang kaguluhan sa kanilang lokalidad.

Partikular na tinukoy ni DILG OIC Secretary Eduardo Año ang League of Cities of the Philippines (LCP) at ng Philippine Councilor’s League (PCL).

Aniya, kung ang grupo ni Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) Founding Chairperson Joma Sison ay tatalikod na sa peace talks, ang LGUs na ang magpupursigi para kausapin ang lahat ng NPA ground units na sinsero sa usapang pangkapayapaan.

Dagdag pa ni Año, ang mga LGU talaga ang totoong nakakalaam sa mga isyu sa kanilang lokalidad kung bakit nag-armas ang rebeldeng grupo laban sa pamahalaan kaya sila ang nasa tamang posisyon para kausapin ang mga komunistang rebelde. | ulat ni Rey Ferrer