LGUs na tumutulong sa mga magsasaka, dumarami

Dumarami at patuloy na nadadagdagan ang lokal na pamahalaan sa mga probinsya na nagpapahayag ng suporta sa Department of Agriculture (DA) sa pagtulong sa mga magsasaka.

Mula sa anim, naging labing tatlo at ngayo’y tatlumpung probinsya na ang nangakong tutulong sa mga apektado ng pagbaba ng presyo ng palay.

Ayon kay DA Secretary William Dar, sa kanyang pakikipagpulong kay League of Provinces of the Philippines (LPP) President at Marinduque Governor Presbitero Velasco, tiniyak aniya nito ang kanilang positibong pagtugon sa problema at nakahandang magbigay ng pangangailangang pinansyal. Saklaw nito ang pagbili ng palay sa mataas na halaga, pagpapatuyo ng palay, milling, at maging sa pagbebenta.

Unang nag-commit ng tatlong bilyong pisong suporta ang 13 provincial local government units ng Isabela, Nueva Ecija, Ilocos Norte at Sur, La Union, Pangasinan, Nueva Vizcaya, Quirino, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Bataan at  Cagayan.

Nadagdagan pa ito ng labing pito na kinabibilangan ng Camarines Sur,  Apayao, Agusan del Sur at Norte, Biliran, Sarangani, Iloilo, Kalinga, Zamboanga Sibugay, Mountain Province, Marinduque, Albay, Capiz, Oriental Mindoro, Bohol, North Cotabato at Lanao del Sur.