LGUs, inalerto na ng DILG sa posibleng pagtama ng Bagyong Ompong

Pinaghahanda na ng Department of Interior and Local Government (DILG) OIC Secretary Eduardo Año ang Local Government Units (LGUs) sa posibleng pananalasa ng bagyong Ompong sa bansa.

Katunayan naglabas na ng direktiba si Año para sa mga gobernador, alkalde at punong barangay para paghandaan ang parating na bagyo.

Layon ng DILG na mabawasan ang masamang epekto ng bagyo at ang zero casualty sa panahon ng pananalasa nito.

Binigyang-diin din ng DILG Chief ang kritikal na papel ng local chief executives na manguna sa pagsasagawa ng preemptive actions para maging disaster-ready community ang kanilang lugar.

Alinsunod sa Memorandum Circular No 2018-73, inatasan ng DILG Chief ang local government heads na iorganisa ang kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils at magsagawa ng pre-disaster risk assessments sa mga lugar na kalimitang binabaha o biglaang binabaha at madalas na may landslide na sanhi ng matinding pag-ulan.

Kailangan ding ihanda at irepaso ng LGUs ang kanilang contingency plans sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo. | ulat ni Rey Ferrer