Legarda, pinuri ang pag-release ng DBM ng pondo para sa pension arrears ng mga WWII veterans

Ikinalugod ni Senadora Loren Legarda ang pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na nai-release na ang pondo para sa pension arrears para sa World War II veterans.

Ayon kay Legarda, chairperson ng Senate Committee on Finance, magandang balita para sa ating mga beterano at kanilang pamilya ang nasabing pahayag ni Secretary Diokno sa pagdiriwang ng bansa ng ‘Araw ng Kagitingan’ sa Lunes ika-9 ng Abril.

Tinukoy ni Legarda na ang ating mga war veteran ay maayos na nagsilbi sa ating bansa at kani-kanilang mga asawa ay dumanas din ng paghihirap noong panahon ng giyera.

Anang senadora, sa ilalim ng 2018 National Budget, P1.6 billion ang inilaan para sa buong kabayaran ng Total Administrative Disability (TAD) Pension Arrears para sa mga nabubuhay na mga asawa ng mga namatay ng mga beterano na nagsilbi nung World War II.

Sa pahayag ng DBM, sinabi nito na nairelease na ang P8.86 million sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) at iba pang P841.87 million ang nakatakdang ilabas din ngayong taon. | via Jojo Ismael