Legarda, nagpahayag ng kanyang pagsuporta sa planong rehabilitasyon ng Boracay Island

Suportado ni Senadora Loren lLegarda ang pinaplano ng gobyerno na rehabilitasyon para sa isla ng Boracay sa pagsasabi na kanya ring inaasahan na maisasagawa din ito sa iba pang mga tourist destinations sa bansa.

Para kay legarda, ang isyu ng Boracay ay pangunahing usapin pangkalikasan kung kaya’t kanyang ikinalulugod na ang department of environment and natural resources o DENR ay nangunguna sa pagpapanumbalik sa Boracay sa dati nitong ganda at kalinisan.

Una rito, natukoy ng DENR ang limang pangunahing problema sa Boracay na kailangang masolusyonan sa loob ng anim na buwan, at ito’y ang (1) drainage at sewerage management; (2) solid waste management, (3) forestlands at disposable lands management, (4) road at transport; at (5) biodiversity conservation, wetlands rehabilitation, at geohazards management.

Samantala, sang-ayon din si Legarda sa panawagan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na walang matatanggal na empleyado sa loob ng anim na buwang pagsasara ng Boracay Island, at sa halip ay ipatutupad ang “No Work, No Pay” scheme o atasan ang mga employee na gamitin ang kanilang leave credits, kung pupuwede. | via Jojo Ismael