Legarda, ikinalugod ang pagpasa ng Senado ng SBN 1762 na naglalayong mabigyan ang Ombudsman lawyers at prosecutors ng retirement benefits

Ikinalugod ni Senadora Loren Legarda ang pagpasa ng Senado sa ikalawang pagbasa ng Senate Bill No. 1762 na naglalayong mabigyan ang mga abogado at prosecutor sa Office of the Ombudsman ng kahalintulad na retirement benefits na natatanggap ng kanilang counterparts mula sa Department of Justice.
 
Ayon kay Legarda, co-author at co-sponsor ng Senate Bill No. 1762, kapag naisabatas ang panukalang hakbangin, kasama rin sa mga makakatanggap ng nasabing retirement benefits ay ang senior technical officials tulad ng mga imbestigador at graft prevention officers na nasa salary grade bracket mula 26 hanggang 29.
 
Sa ngayon, ayon kay Legarda, ang Ombudsman at kanyang mga deputy at ang special prosecutor lang ang may matatanggap na retirement benefits makaraan na kanilang matapos ang kani-kanilang mga termino na alinsunod sa Konstitusyon at ng Ombudsman Act of 1989.
 
Ani Legarda, kanyang napag-alaman na marami sa mga abogado at technical officials ng Ombudsman ay nagsisilipatan sa private sector o sa ibang ahensya ng gobyerno na may mabuting pasahod at retirement benefits. | via Jojo Ismael