Legalidad ng P2.1B waste to energy facility deal sa Puerto Princesa City, Palawan, kuwestyonable daw, ayon sa No Burn Pilipinas Coalition

Umapela na sa Department of Energy at Puerto Princesa City Government ang isang non-goverment organization coalition para kanselahin ang kontrata sa P2.1 bilyong pisong waste-to-energy deal sa Palawan.

Ayon kay Ruel Cabile waste to energy campaigner ng Ecowaste Coalition, sa ilalim ng No Burn Pilipinas Coalition, ang planong waste to energy incinerator sa Puerto Princesa ay patently illegal sa ilalim ng batas na Clean Air Act.

Labag din ito sa isinusulong na Zero Waste Management Program na isinasaad ng Environmental Compliance Certificate na inisyu ng DENR sa city government ng Puerto Princesa.

Bukod dito pinuna din ng grupo ang pagpursige ng Department of Energy na isulong ang Waste-to-Energy Incineration na mas mahal at hindi daw episyente na makapagbigay ng sapat na elektrisidad.

Ang halaga lamang daw ng konstruksyon nito ay doble na kumpara sa coal fired power plants at 60 porsiyento na mas mataas sa nuclear plants pati na sa operasyon nito.

Para sa green groups, kwestyonable ang legalidad ng nilagdaang waste to energy facility deal at pinagdudahan pa ang posibilidad na mayroong irigularidad dito. | via Rey Ferrer