Land o sea-based OFWs, pinayagan na ng IATF na mai-deploy abroad

Pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga land-base o sea-based overseas Filipino workers na mai-deploy sa ibang bansa sa gitna ng nararanasang COVID pandemic sa buong mundo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kailangan lamang na lumagda ng deklarasyon ang mga ito na nagsasaad na batid nila ang panganib na kaakibat ng kanilang paglabas sa bansa.

Dahil dito, pinapayagan na rin na muling makapag-operate ang mga recruitment at placement agencies sa mga lugar na nasa ilalim ng General at Modified Community Quarantine.

Ang mga government offices at agencies naman na mayroong kinalaman sa pag-proseso ng OFW deployment ay pinabubuo ng Green Lanes para sa pagpapabilis ng proseso at deployment ng mga ito.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi pa rin kabilang sa mga papayagang makalabas ng bansa ang mga health professionals na una nang sakop sa deployment ban ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).