Lalawigan ng Batanes, muling nakapagtala ng kaso ng COVID-19

Muling nakapagtala ang Batanes ng COVID-19 positive makalipas ang halos dalawang buwan. Ito ay ayon sa inilabas na statement ng Batanes COVID-19 Task Group kagabi.

Isang 54 na taong gulang na babae at residente ng Bayan ng Basco, ang siyang kasalukuyang naka-isolate sa COVID isolation ng Batanes General Hospital.

Siya ay nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, lagnat, kawalan ng gana sa pagkain, at pananakit ng katawan. Matapos magsagawa ng Rapid Antigen Test kung saan nagpositibo ito, siya ay agad kinuhanan ng specimen at ipinadala sa Tuguegarao, at isinailalim sa RT-PCR Confirmatory Test kung saan ito rin ay nagpositibo sa COVID-19

Ang nasabing pasyente ay walang travel history sa labas ng lalawigan, at wala ring contact sa suspected at positive case.

Sa ngayon, ay hindi pa matiyak ng lokal na pamahalaan kung ito ba ay maituturing na community transmission, habang masusing inaalam at pinag-aaralang mabuti ng buong health cluster. Nagsimula na ring magsagawa ng malawakang contact tracing, kabilang ang Provincial IATF.

Simula naman ngayong araw, ay pansamantalang kanselado ang pagdaraos ng malakihang pagtitipon sa probinsya. Kanselado rin lahat ng biyahe papuntang island municipalities ng Itbayat at Sabtang, habang nagsasagawa ng contact tracing.

Pinapayuhan naman ang publiko na manatili sa kani- kanilang tahanan, huwag mangamba at panatilihin pa ring sundin ang minimun public health standards.