Lalawigan ng Bataan at Zambales, itinaas na sa Orange Warning Level ng PAGASA Weather Bureau; Mga residente inalerto na sa banta ng pagbaha

Mula sa Yellow Warning Level, itinaas na ng PAGASA Weather Bureau sa Orange Warning Level ang lalawigan ng Bataan at Zambales kaninang alas-5:00 ng umaga.

Dahil sa walang tigil na malalakas na pag-ulan sa nabanggit na lalawigan dala pa rin ng pamiminsala ng Habagat, sinabi ng weather bureau na may mga banta na ng mga pagbaha dito.

Nanatili namang nasa Yellow Warning Level ang Metro Manila, Cavite at Rizal na may mga pagbaha na rin sa mga low lying areas.

Samantala, ang mga lalawigan ng Laguna, Batangas, Tarlac, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija at Quezon Province ay makakaranas ng light to moderate hanggang sa may kalakasang ulan sa loob ng tatlong oras.

Samantala, mula kagabi umabot na sa bilang na 153 pamilya o 594 katao sa Brgy. Bagong Silangan sa Quezon City ang inilikas at nagpalipas ng magdamag sa evacuation center sa lugar.

Ang mga pamilya ay nagmula sa Tagumpay St, Tumana Greenland Village, Isla Pulang Bato Village, Tubilee St, Sunrise St, Usna Compound, Sumama Ka Compound na pawang nasa Brgy. Bagong Silangan na naapektuhan ng pagtaas ng tubig baha mula sa Tumana River sa Marikina City.  | ulat ni Rey Ferrer