Lalaking nalugi umano sa negosyo, nang-hostage ng limang taong gulang na bata sa QC

Kinumpirma ngayon sa Radyo Pilipinas ni Police Supt. Rodrigo Soriano, ang station commander ng QCPD Station 9 (Anonas), na stable na ang kondisyon ng limang taong gulang na bata na sugatan sa hostage incident kaninang umaga sa Aurora Boulevard, Anonas, Quezon City.

Ayon kay Supt. Soriano, ligtas na sa kapahamakan ang biktima na isinugod sa World Citi Medical Center bunga ng tinamong sugat sa leeg.

Sa inisyal na imbestigasyon, pasado alas-9:30 kaninang umaga sa tapat ng isang bakeshop branch at sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang kinuha at ginawang hostage ng isang Emmanuel Viyo Villoza ang biktima na anak ng isang street vendor.

Armado ng barbeque stick ang suspek na itinusok naman nito sa leeg ng hostage victim dahilan para umaksyon na ang mga rumespondeng tauhan ng Anonas Police Station.

Inabot pa ng halos dalawang oras ang negosasyon bago tuluyang naaresto ng pulisya ang 47-anyos na hostage taker.

Sabi pa ni Supt. Soriano, sa kasagsagan ng negosasyon kanina, marami umanong demand si Villoza kabilang na ang kagustuhang makausap ang media at maging si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde dahil may problema raw ito sa pagkalugi ng kanyang negosyo.

Sa ngayon, sumasailalim na sa medical checkup ang suspek at nahaharap ito sa kasong serious illegal detention na paglabag sa ilalim ng Republic Act 7610. | ulat ni Shane Juan