Laki ng kaltas sa suweldo ng mga pulis na may utang sa mga loan sharks, pinasisiyasat na ni Pangulong Duterte — SAP Go

Pinasisiyasat na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang reklamo ng mga pulis hinggil sa umano’y labis na pagkaltas ng Philippine National Police (PNP) Finance Department mula sa kanilang suweldo ng halagang ipambabayad sa kanilang utang para sa mga private loan shark.

Ayon kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go, umabot na sa kaalaman ng Pangulo ang kalbaryo ng maraming mga pulis bunsod ng aniya’y iligal na pagkaltas na ipinadadaan pa sa Finance department ng PNP.

Ipinahayag ni Go na partikular na inatasan ni Pangulong Duterte sina Department of Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge Secretary Eduardo Año at PNP Chief Director General Oscar Albayalde na siyasatin ang nasabing usapin at agad na gawan ng aksyon ang problema ng mga pulis.

Ang nais aniya ng Pangulo sabi ni Go, direkta ng mga lehitimong financial institution ang magbawas sa sweldo ng mga pulis na may pagkakautang sa kanila sa halip na idaan pa sa PNP Finance department.

Sa halip aniya na mapakinabangan ng mga kagawad ng PNP ang dobladong sahod na pinagsikapan ng Pangulo para sa kanila, tila napupunta lang ito sa mga loan shark na hindi aniya papayagan ni Pangulong Duterte. | Alvin Baltazar