Mga na-stranded sa Siargao, nailikas na

Nailikas na ang lahat ng locally stranded individuals (LSI) kabilang ang ilang dayuhan at lokal na residente sa Siargao.

Ito ang kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos ang “mercy flight” ng Philippine Air Force mula December 21 hanggang December 22, 2021.

Ayon kay Philippine Air Force Spokesperson Lieutenant Colonel Maynard Mariano, kabuuang 231 LSI ang nailikas ng kanilang C-130 aircraft patungong Villamor Air Base sa Pasay City.

Nagdala rin ang Air Force ng relief goods sa Siargao, Surigao, at Mactan, Cebu.

Patuloy na naka-deploy ang lahat ng air assets ng Air Force para sa relief operations sa Visayas at Northern Mindanao kabilang na ang mga bagong Black Hawk helicopter.

Tiniyak naman ng Air Force na gagawin nila ang lahat upang maihatid ang kinakailangan tulong sa lahat ng mga biktima ng bagyo Odette.