Laguna Rep. Sol Aragones, naghain ng resolusyon para pansamantalang ipatigil ang toll fee sa SLEX

Inihain ni Laguna 3rd District Rep. Sol Aragones ang House Resolution 428.

Layon nito ang pansamantalang pagpapatigil o kaya ay pagpapababa sa sinisingil na toll fee sa South Luzon Expressway (SLEX) sa loob ng anim na buwan

Ayon sa kongresista, maliit na bagay lamang ito kung ikukumpara sa pasakit na dinaranas ng mga commuters dahil sa “carmageddon” sa SLEX.

Ipinauubaya naman ni Aragones sa isasagawang pagdinig kung hanggang magkano ang bawas singil sa toll na ipatutupad upang hindi naman maapektuhan ang operasyon ng naturang expressway.

Depende rin sa kung maagang maaayos ang sitwasyon sa SLEX, ay maaari namang hindi tumagal ng anim na buwan ang tigil-singil.