Lacson, umaasang wala ng mamamatay sa hazing matapos lagdaan ng Pangulo ang Anti-Hazing Act of 2018

Makaraan na malagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11053 o ang Anti-Hazing Act of 2018, umaasa si Senador Ping Lacson na wala nang mauulit pang masasawi nang dahil sa hazing tulad ni Horacio “Atio” Castillo III na namatay noong Septyembre ng 2017.

Ang pagsasabatas ng RA 11053 ay nag-ugat mula sa serye ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs na pinamumunuan ni Senador Lacson, sa pagkamatay ni Atio Castillo na biktima ng isang fraternity hazing.

Sa pagdinig ng komite, nakita na si Castillo ay namatay habang sumasailalim sa hazing rites ng Aegis Juris Fraternity sa University of Santo Tomas kung saan nabunyag na maraming fraternity members ang nagtangka noon na pagtakpan ang pagkamatay ni Castillo.

Nalaman din sa pagdinig na ang unibersidad ay naging pabaya sa pagpapatupad ng Anti-Hazing Law.

Bilang bagong lagdang batas, ang depenisyon ng hazing ay pinalawak upang maisama ang pisikal o sikolohikal na paghihirap at pananakit o pagpapahirap sa isang recruit, miyembro, neophyte o applicant bilang pre-requisite para makapasok o para sa pagpapatuloy ng membership sa isang organisasyon.

Ang sinumang mapapatunayang lumabag sa Anti-Hazing Law ay mapaparusahan ng pagkabilanggo tulad ng ‘reclusion perpetua’ at pagmumulta ng hanggang  tatlong milyong piso.  | ulat ni Jojo Ismael