Lacson, umaasa na mararatipikahan na ngayon ng Senado at Kamara ang bicam report ukol sa panukalang national ID system

Umaasa si Senador Panfilo “Ping” Lacson na mararatipikahan na ngayon ang bicameral report ukol sa pinal na bersyon ng panukalang national ID law.

Ayon kay Senador Lacson, chairman ng Senate Sub-committee on Justice at may-akda ng National ID bill sa Senado, kapag kanilang naratipikahan na sa Senado at Kamara ang panukalang hakbangin, ito’y enrolled bill na kung saan sa Malacañang na ang punta nito para sa pagpirma ng Pangulong Duterte.

Kapag hindi ito napirmahan sa loob ng tatlumpung araw, ito’y awtomatikong magla-lapse o awtomatikong magiging batas.

Diin ni Lacson, ang National ID bill ay isang landmark legislation na sadyang sa panahon talaga ng Pangulong Duterte maisasabatas.

Ilang presidente na aniya ang pinagdaanan nito,  apat na administrasyon na at panlimang administrasyon na ang kay Pangulong Duterte. Dito na ito umano maipapasa at ngayon lang ito maisasakatuparan.

Dagdag ni Lacson, maaari nang ipatupad ito ngayong taon sapagkat may initial na funding na ito na P25 billion na nakalaan sa 2018 General Appropriations Act o GAA.

Sa bicam, nagkasundo ang Senado at Kamara na i-adopt ang bersyon ng Senado nang may minor amendments. | ulat ni Jojo Ismael