Lacson: Tama at maganda ang ginawa ng Pangulong Duterte na personal na paghahatid sa mga Filipino scientist patungo sa Philippine Rise

Tuwirang sinabi ni Senador Ping Lacson na tama at maganda ang ginawa ng Pangulong Rodrigo Duterte na siya mismo ang nanguna sa paghahatid sa mga Filipino scientist na pumunta sa Philippine Rise o Benham Rise para magsagawa ng research.

Para kay Senador Lacson, vice chairman ng Senate Defense and Security Committee, malinaw na ang ginawang hakbangin ng Pangulong Duterte ay symbolic para igiit ang ating isyu ng sobereniya, na ang Philippine Rise ay talagang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.

Punto ni Lacson, hindi natin dapat ipagsawalang bahala na baka sa mga susunod na araw, mayroon na ring ibang bansa ang gustong i-claim ang lugar.

Iba umano ang sitwasyon sa West Philippine Sea mula sa Philippine Rise. Pahayag ni Lacson, “Sa West Philippine Sea, tapos na yan. Nanalo na tayo sa arbitration. Meron ng rule, hindi nga lang ma-implement kasi napaka-powerful ng China.”

Subalit, sa kaso ng Philippine Rise, naniniwala si Lacson na maganda na mismong Pangulong Duterte ang naghatid at nagdala sa mga researchers para maigiit na sa atin talaga ang lugar at walang sinuman ang dapat na makialam.

Ani Lacson, iba ang sitwasyon sa West Philippine Sea, sapagkat may mga istraktura na roon at hindi natin kayang makipag-giyera sa China. Ang kailangan umano rito ay international pressure upang kusang umalis ang China sa lugar.

Sa ngayon, ayon sa mambabatas, kahit na nanalo na ang Pilipinas sa arbitration, wala naman umanong tumutulong sa atin para i-pressure ang China na mag-withdraw o sumunod sa ruling ng arbitration. | via Jojo Ismael