Lacson: Malaking hamon ang naghihintay kay outgoing PNP Chief General Bato dela Rosa sa kanyang magiging bagong misyon sa New Bilibid

Para kay Senador Ping Lacson, malaking hamon kay outgoing PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pagpapatigil ng iligal na kalakalan ng droga sa loob ng New Bilibid Prison.

Ginawa ni Lacson ang pahayag matapos na atasan ng Pangulong Rodrigo Duterte si Dela Rosa na mamuno sa Bureau of Correction na nakasasaklaw sa New Bilibid kung saan nadiskubre na patuloy ang operasyon ng mga convicted drug lords.

Ayon kay Lacson, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), kung leadership by example ang kailangan bilang pinuno ng Pambansang Pulisya, kailangan din aniya ng mahusay na diskarte ng mamumuno sa BuCor para mabuwag ang operasyon ng mga druglord na nakalulusot nang dahil diumano sa katiwalian ng mga tauhan at opisyal ng BuCor.

Mas malaking hamon at trabaho umano ang pamumuno sa PNP kaysa sa pagiging pinuno ng BuCor, pero ani Lacson, parehong kailangan ng tapang at integridad para mahusay na makapamuno.

Kung magtatagumpay naman si Dela Rosa sa pagbuwag ng drugs syndicate sa Bilibid, sabi ni Lacson, tignan na lang ang resulta nang halos dalawang taon nitong pamumuno sa PNP para masubok.

Una nang inatasan ni Pangulong Duterte nung Disyembre na ipalilinis kay Dela Rosa ang Bilibid, matatandaan na sinabi ni Lacson na malamang na nangangatog na ang mga tuhod ng mga druglords nang dahil sa reputasyon ni Dela Rosa. | via Jojo Ismael