Lacson kay Albayalde: Gamitin ang Counter-Intelligence Task Force at SAF sa internal cleansing ng PNP

Pinayuhan ni Senador Ping Lacson si Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde na kanyang gamitin ang Counter-Intelligence Task Force at Special Action Force sa ikinakasa nitong internal cleansing sa PNP.

Ayon kay Lacson na dati ring hepe ng PNP, maganda ang direksyon na gustong tutukan o puntahan ni Director General Albayalde na unahin ang disiplina sa hanay ng pulisya.

At siyempre hindi niya kinakalimutan ang over-all mission ng PNP na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at ang law enforcement duty.

Pero para kay Lacson mahirap umanong magtagumpay kung may mga scalawags, corrupt at mga abusadong police officers dahil bukod sa iniintindi mo na ang misyon sa labas, pati sa loob ay may kalaban ka pa.

Ani Lacson, kanyang sinabi kay Albayalde na kanyang palakasin ang Counter-Intelligence Task Force at ang PNP-SAF sapagkat ito umano ang pinakamaaasahan niya sa kanyang gustong tutukan na internal cleansing sa PNP.

Diin ni Lacson na mahirap kausapin ang mga tiwaling pulis. Ang CITF at ang SAF ang makakatulong ng PNP chief sa pagtukoy sa mga nangongotong at mga police scalawags. | via Jojo Ismael