Lacson, ipinahihinto sa PNP ang panghuhuli ng mga tambay

Ipinahihinto muna ni Senador Panfilo “Ping” Lacson sa Philippine National Police (PNP) ang panghuhuli ng mga tambay hangga’t wala pang matibay na ligal na basehan para ipagpatuloy ito.

Ani Lacson, chairman ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs, ang batas ukol sa bagansya o palaboy-laboy sa lansangan ay na-decriminalized noong taong 2012 nang maipasa ang Republic Act 10158.

Diin ni Lacson, ito na marahil ang pinakamalapit na violation laban sa mga istambay sa kalye. Maaari umanong kwestyunin sa Korte Suprema ang nasabing aksyon ng mga pulis.

Liban lang aniya kung may iba pang umiiral na batas na pwedeng gamitin ng mga awtoridad para hulihin ang mga walang magawa sa buhay kundi mag-istambay at magkwentuhan nang walang katapusan sa kalsada at mga kanto.

Gayunman, hindi naman din umano na maikakaila na pambawas krimen ang ginagawang operations ng PNP kaya lang ay dapat maghanap muna sila ng matibay na sandigan sa batas bago nila ipagpatuloy ang bagong anti-crime drive na ito. | ulat ni Jojo Ismael