Lacson, dismayado sa paglalahad ng PDEA ng mga umano’y ‘narco list’ ng barangay officials

Nagpahayag ngayon si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng pagkadismaya sa ginawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pagsasapubliko ng mga pangalan ng may 200 barangay officials na umano’y sangkot sa iligal na kalakalan ng droga.

Sa kanyang pagsasalita sa lingguhang kapihan sa Senado, sinabi ni Lacson, Chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na ang ginawang paglalahad ng mga pagkakakilanlan ng mga sinasabing opisyal ng barangay sa naturang narco list ay maaari umanong makasira sa law enforcement, sapagkat nabigyan na ng babala ang mga taong binabantayan ng mga awtoridad na silay iniimbestigahan na pala, kung saan maaari na nilang linisin ang anumang posibleng ebidensya laban sa kanila.

Para kay Lacson, na dati ring hepe ng Philippine National Police (PNP), maaari lamang masampahan ng kaso ang sinumang barangay official kapag may sapat na ebidensya laban dito.

Hindi umano uubra kapag suspetsa lang, ito’y kahit pa validated ang sinasabing narco list.

Paliwanag ni Lacson, na hindi umano maaaring pagbasehan ang isang validated intelligence report lamang para sa pagsasampa ng kaso.

Ang kailangan aniya ay matibay na ebidensya para umusad ang isang ihahaing kaso. | via Jojo Ismael