Labor Usec. Jacinto Paras, tinawag na katatawanan ang akusasyong pagnanakaw sa iPhone X ni Akbayan Representative Tom Villlarin

Tinawag na katatawanan ni dating Negros Oriental Representative at ngayo’y Labor Undersecretary Jacinto ‘Jing’ Paras ang isinampang kaso laban sa kanya ni Akbayan Representative Tom Villarin sa Quezon City Prosecutor’s Office.

May kinalaman ito sa akusasyon ni Villarin na ninakaw umano ni Paras ang kanyang cellphone na isang iPhone X nang minsang magkausap sila sa congressional hearing noong Marso.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas, sinabi ni Undersecretary Paras, handang sagutin ng kanyang kampo ang theft charges na isinampa ni Villarin kahapon sa oras na makakuha ng kopya ng kaso.

Ayon pa sa dating mambabatas, wala na sa kanyang memorya ang mga sandaling sila ay nagkausap ng Akbayan representative sa De Venecia Hall ng Kamara noong March 20.

Bagama’t hindi inaamin, paliwanag ni Paras, posibleng aksidente lang umanong nadampot ang iPhone X ni Villarin kasama ng kanyang cellphone sa pagmamadali nang sabihan siya ng kanyang staff na umakyat sa taas nang ipatawag sa pulong ng Committee on Mindanao Affairs.

Iginiit pa ng Labor official na wala umano siyang intensyon na lamangan ang kongresista sa insidente ng pagkawala ng P74,000 na halaga ng cellphone nito.

Samantala, sa isa namang statement tahasang sinabi ni Representative Villarin na posibleng nais umano ni Paras na makakuha ng mga impormasyon laban kay opposition Senator Risa Hontiveros sapagkat siya umano ang ‘ka-textmate’ noon nang kontrobersiyal na makuhanan ng letrato si resigned Secretary of Justice Vitaliano Aguirre na may kausap na isang ‘Cong. Jing’ sa kalagitnaan ng privilege speech ng senadora.

Matatandaang si Paras ang nasa likod ng pagsasampa ng mga kasong obstruction of justice, kidnapping at abuse and exploitation of minors laban kay Hontiveros dahil umano sa pagkupkop nito ng mga ‘underage witnesses’ sa kasagsagan ng senate hearing sa kaso ng pagpatay kay Kian Delos Santos na iniuugnay sa drug war ng gobyerno. | ulat ni Shane Juan