Labi ng suicide bomber sa pambobomba sa Indanan, Sulu, ipapa-DNA test

Isasailalim sa DNA testing ang mga pira-pirasong labi ng suicide bomber na nagpasabog sa kampo ng militar kahapon sa Indanan, Sulu.

Sinabi ni Western Mindanao Command (WesMinCom) Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, ito ay para masiguro ang kasarian at nasyonalidad ng naturang bomber, na siyang tanging casualty sa pag-atake.

Ayon kay Sobejana, nakasuot ng abaya ang nasabing bomber kaya mistulang babae, at batay sa narekober na ulo mukha itong Caucasian na may mahabang buhok.

Pero aniya, ang narekober na putol na kamay ng bomber ay mukha namang kamay ng lalake.

Kahapon, tinangka ng suicide bomber na pumasok sa Kilometer 3 Detachment ng 35th Infantry Battalion, sa Barangay Kajatian, subalit naharang ito ng guwardiya bago pinasabog ng bomber ang kanyang sarili.

Matatandaang noong Hunyo 28, inatake rin ng dalawang suicide bombers ang kampo ng First Brigade Combat Team sa Indanan, Sulu, na ikinasawi ng pitong tao.

Nakilala ang isang bomber na si Norman Lasuca, 23 anyos, na siyang kauna-unahang Pilipinong suicide bomber sa kasaysayan ng bansa.