Kuwait, tiniyak sa delegasyon ng Pilipinas na maaari ng makalaya ang tatlong diplomat na naisyuhan ng arrest warrant dahil sa kontrobersiyal na ikinasang rescue ops

Nagbigay garantiya ang tanggapan ng Deputy Foreign Minister ng Kuwait na maaari ng makaalis sa labas ng embahada ang tatlong diplomat ng Pilipinas sa Kuwait.

Ito ang ibinunyag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kasunod ng pakikipagpulong nila ni Labor Secretary Silvestre Bello III kay Kuwait Deputy Foreign Minister Al Khaled Sulaiman Al-Jarallah.

Ayon kay Roque, inaayos na ng Interior Ministry ng Kuwait ang pag-release sa tatlong diplomat na inaasahang mangyayari sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.

Ang tatlong diplomat ay una ng napaulat na hindi makalabas sa Philippine embassy sa Kuwait matapos na umano’y sampahan ng kasong kidnapping dahil sa ginawang pag-rescue sa ilang distressed OFW na nag-viral sa social media.

Una dito ay pinalaya na ang apat na Pinoy driver na nakasama sa rescue operation na isa rin sa mga palatandaang ayos na ang gusot sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait. | via Alvin Balatazar