Kumpletong damage assessment, isasagawa pag-hupa ng bagyong Ompong

Magsasagawa ng kumpletong damage assesment ang pamahalaan sa pananalasa ng bagyong Ompong sa oras na humupa na ang bagyo.

Ito ang inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana sa press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque na isinagawa sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon sa PAGASA, ang bagyo ay lalabas sa Philippine Area of Responsibility mamayang gabi, pero sinabi ni Lorenzana na maya-maya lang, kapag lumipas na ang unang bugso ng bagyo ay idedeploy na nila ang kanilang damage assesment at rescue and relief teams.

Aniya ngayon palang ay on the ground na si Northern Luzon Commander Lt. Gen. Emmanuel Salamat at nagsasagawa na ng preparasyon para sa rapid deployment.

Samantala, nilinaw naman ni Sec. Lorenzana na ang iniulat ni Department of Transportation DOTr Sec. Art Tugade na nasira ang paliparan sa Tuguegarao, ay terminal lang ang nasira, pero magagamit parin sa paghatid ng relief supplies ang runway.

Dagdag ni Lorenzana, bukod sa Tuguegarao Airport may dalawa pang available na airports sa rehiyon na maaaring gamitin sa disaster relief operations kung kakailanganin. | ulat ni Leo Sarne