Kumpiyansa ni Pangulong Duterte kay DOH Secretary Francisco Duque, maaaring magbago depende sa bigat ng ebidensiya

Ebidensiya lang ang maaaring makapag-pabago sa tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Department of Health Secretary Francisco Duque.

Ito ang inihayag ng Palasyo sa harap ng pagkuwestiyon sa patuloy na tiwalang ipinagkakaloob ng Presidente kay Duque na nuon pa ma’y idinadawit na sa iregularidad sa PhilHealth.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, abogado ang Presidente at ang pasiya nito para tanggalin na ang kumpiyansa sa DOH Chief ay nakasalalay sa mga ebidensiya na sa ngayon ay hindi nakikita ng Pangulo na magdidiin sa Kalihim.

Tiniyak naman ni Roque na kung may mai-presentang katibayan laban kay Duque ay tiyak na mag- iiba ang tingin dito ng Presidente na naging sitwasyon aniya ni dating PhilHealth Chief Retired General Ricardo Morales, na noong lumabas na ang ebidensiya ay nagsalita ang Pangulo na mag- resign na lang ito for health reason.

Sinabi ni Roque na nagpapatuloy pa rin naman ang imbestigasyon kabilang ang nagpapatuloy na ginagawang pagsisiyasat ng Task Force Philhealth sa pangunguna ng Department of Justice.