Kumpirmasyon ng tatlong huling miyembro ng Gabinete ng Pangulong Duterte, lusot na sa Commission on Appointments

Lusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments ang huling tatlong miyembro ng Gabinete ng Pangulong Duterte.
 
Magkakasunod na pinagtibay ngayon ng Commission on Appointments ang ad-interim appointments ng tatlong miyembro ng gabinete ng Pangulong Duterte isang araw bago ang sine die adjournment ng Kongreso.
 
Ang tatlong miyembro ng Gabinete ay sina John Rualo Castriciones bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform, Menardo Guevarra bilang kalihim ng Department of Justice, at Bernadette Romulo-Puyat bilang kalihim ng Department of Tourism.
 
Kinumpirma rin ngayon ng CA ang nominasyon ni Socorro Balinghasay Inting bilang Comelec Commissioner.
 
Pinagtibay rin ng appointment body ang appointment ng dalawang opisyal ng Department of Foreign Affairs na sina Sulpicio Miguel Confiado bilang Philippine Ambassador sa Arab Republic ng Egypt at si Akmad Sakkam bilang ambassador ng bansa sa Hashemite Kingdom ng Jordan.
 
Napagtibay rin ngayon sa huling sesyon ng CA ang ad interim appointments ng limang senior officers ng Armed Forces of the Philippines na kinabibilangan nina Carlito Galvez sa ranggong general, Rolando Rodil, Joselito Maclan at Nelson Collantes na pawang mga brigadier general, at si Emmanuel Mahipus sa ranggo ng colonel sa Philippine Air Force. | via Jojo Ismael