Kumpirmasyon ng CA kay Locsin bilang DFA Secretary, ikinatuwa ng Palasyo

Malaki ang kumpiyansa ng Malacañang kay DFA Secretary Teddy “Boy” Locsin hinggil sa malaki nitong maiaambag sa tinitindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa independent foreign policy.

Ito ang pahayag ng Palasyo sa gitna na rin ng ikinatutuwa nitong ginawang kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA) kay Locsin bilang kalihim ng foreign affairs.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na sila’y naniniwala din sa kakayahan ni Locsin upang matiyak nito ang kapakanan at proteksiyon ng milyon-milyong Overseas Filipino Workers (OFW) sa buong mundo.

Bilang isang abogado, sinabi ni Panelo na natitiyak nilang isasaprayoridad ni Locsin ang interes ng mga Filipino Community lalo na ang soberaniya ng estado.

Kasunod ng kumpirmasyon sa kanya ng CA, ipinahayag naman ni Locsin na kanyang bitbit sa pamamahala sa DFA ang kanyang “brand of diplomacy” na magrerepresenta ng tunay na kahulugan ng independent foreign policy. | ulat ni Alvin Baltazar