Kumakalat na ulat sa social media na may gunman sa UP, ‘fake news’

Walang katotohanan ang kumakalat na ulat sa social media na mayroon umanong gunman na nakapasok at umano’y nagbabantang maghasik ng lagim sa loob ng University of the Philippines (UP) Diliman Campus sa Quezon City.

Ito ang kinumpirma mismo ng headquarters ng UP Police sa naturang balita.

Ayon kay UP Police Admin Secretary Elma Gabriel, wala silang natatanggap na impormasyon sa insidenteng ito at normal naman ang sitwasyon sa mga oras na ito sa buong campus.

Maikukonsidera aniya ito na isang uri lamang ng panggugulo sa social media upang magkalat ng takot sa mga iskolar ng bayan.

Batay sa kumakalat na ‘fake news’ sa social media platforms na Twitter at Facebook, gunman lamang ang binabanggit na nasa loob daw ng unibersidad at wala ng iba pang detalye.

Samantala, sa official Twitter account ng UP Diliman ay wala ring inilalabas na anumang post na may kinalaman dito maliban sa suspensyon ng klase batay na rin sa abisong inilabas ng MalacaƱang ngayong araw na ito. | via Shane Juan