Kopya ng application form for amnesty ni Sen. Trillanes ang magsisilbing pinakamatibay na ebidensiya sa korte – Malacañang

Hindi nababahala ang Malacañang sa naging testimonya sa senado ni AFP Chief Gen Carlito Galvez kung saan kinumpirma nitong nagsumite ng amnesty application si Senador Antonio Trillanes IV.

Sa pulong balitaan sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bilang isang abogado, dapat pa ring umiral ang prinsipyong tinatawag na “best evidence rules.”

Ani Roque, nangangahulugan ito na ang kopya pa rin ng application for amnesty ang kailangang mailutang at maiprisinta sa hukuman.

Sinabi ni Roque, na maituturing na walang saysay sa korte kung anuman ang isiniwalat ni Galvez sa Upper Chamber kahit pa siya ang pinakamataas na pinuno ng militar, gayung hindi pa aniya ito chief of staff noong taong 2007 kung kailan sinasabing nag-apply si Trillanes ng amnesty.

Ibig sabihin wala itong direktang alam sa sirkumstansiya ng mga pangyayari.

Hindi rin aniya pwedeng isisi sa custodian ang kawalan ng dokumento ni Trillanes, dahil hindi naman nga nagsumite ng aplikasyon ang Senador.

Kopya lang ani Roque ng application for amnesty ang tanging paraan upang maresolba ang isyu at kapag ito’y naipakita na tapos na ang usapin ayon sa Palasyo. | ulat ni Alvin Baltazar