Kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan at media, palalakasin pa ng PCOO

Tiniyak ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na pagsisikapan niyang mapalakas at mapalalim pa ang kooperasyon sa pagitan ng gobyerno at ng media.

Sa kanyang pagharap sa local media sa San Pablo, Laguna, sinabi ni Andanar na gagamitin niya ang kanyang puwesto upang mas mapalakas ang kooperasyon ng gobyerno at media nang sa gayun ay masolusyunan ang maraming problema sa bansa.

Kaugnay nito ay kinumpirma ni Andanar na naglilibot siya sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang personal na makita ang sitwasyon ng media upang matulungan ang mga ito.

Ayon kay Andanar, aminado siyang mahirap gawin pero wala aniyang gagawang iba kundi pagtutulungang gawin.

Bago ang pagharap niya sa mga mediamen sa Laguna ay una nang nakasalamuha ni Andanar ang mga mediamen ng Maguindanao, Sorsogon, Bohol, Kalibo, Cagayan de Oro, Tacloban at Metro Manila.

Dito ay natuklasan ni Andanar na 40 porsiyento na media members sa lalawigan ay walang passport kaya dadalhin aniya niya ang Passport on Wheels ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang mabigyang serbisyo ang mga ito.

Nilinaw din ni Andanar na mangyayari na ito sa susunod na taon dahil isasapinal pa ng mga partners ng PCOO na NPC, KBP at PIA ang mga mekanismo para ito ay maisakatuparan.  | ulat ni Alvin Baltazar