Kooperasyon ng PNP sa imbestigasyon ng NBI sa Valenzuela shooting incident, tiniyak ni Eleazar

Handa ang Philippine National Police (PNP) na ibigay ang kanilang buong kooperasyon sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkamatay ng isang 18-taong gulang na binata sa isang anti-gambling operation sa Valenzuela.

Ito ang tiniyak ni PNP Chief General Guillermo Eleazar, kasabay ng pagsabi na nirerespeto nila ang desisyon ng naulilang pamilya ni Edwin Arnigo na NBI na lang ang humawak sa imbestigasyon.

Gayunman, sinabi ni General Eleazar na magsasagawa pa rin ng sariling imbestigasyon ang PNP Internal Affairs Service (PNP-IAS) para matukoy kung nagkaroon ng operational lapses ang mga tauhan ng Valenzuela City Police na nag-operate noong Linggo.

Paliwanag ni Eleazar, automatic ang pagpasok ng IAS kung may namatay sa police operations.
 
Ayon kay Eleazar, kung madetermina ng IAS na lumabag ang mga pulis Valenzuela sa police operating procedures, hindi sila kukunsintihin at agad sasampahan ng kasong administratibo.