Kooperasyon ng MILF sa BOL plebiscite, ikinatuwa ni DND Sec. Lorenzana

Ikinatuwa ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana ang kooperasyon ng MILF sa nakalipas na BOL plebiscite.

Ayon sa kalihim, madaling naresolba ang dalawang problema na kinasangkutan ng mga tropa ng MILF, matapos niyang tawagan si Bangsamoro Islamic Armed Forces Chief of Staff Sammy Al Mansour.

Una ay ang nangyari umanong paghahakot ng MILF noong Enero 20, kung saan daan-daang tropa nito ang dinala nila sa Cotabato City sakay ng napakaraming bus. Sinabi ni Lorenzana kay Mansour, na pabalikin lahat ng mga ito sa kanilang pinanggalingan, bagay na sinunod naman ni Mansour

Ang ikalawa ay nang makitang umaaligid sa mga polling center ang mga tropa ng MILF na nakapagdulot ng takot sa mga botante, pero tiniyak naman sa kalihim ni Mansour ang pakikiisa nila sa mga pulis at militar sa lugar.

Bagama’t ipinag-utos noon ni Lorenzana kay 6ID Commander Major General Cirilito Sobejana na paalisin at gamitan ng puwersa sakaling magmatigas ang mga MILF supporter, matahimik namang lumisan ang mga ito. | ulat ni Leo Sarne