Kontrata sa pagitan ng AFP, Mislatel, bubusisiin ng DND

Bubusisiin ng Department of Defense (DND) ang kontrata sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Mislatel na nagpapahintulot sa pribadong kumpanya na magtayo ng cell sites sa mga pasilidad ng militar.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, nasa biyahe siya nang maganap ang lagdaan ng kontrata kaya ngayon niya lang nalaman ang isyu.

Tiniyak naman ng kalihim na pagbalik niya sa Maynila sa Setyembre 20 ay pag-aaralan niyang mabuti ang kontrata bago niya aprubahan.

Una rito, sinabi ni Defense Spokesman Director Arsenio Andolong, may awtoridad naman ang AFP na pumasok sa mga kontrata subalit, kailangan pa rin itong dumaan sa pagsusuri at pag-apruba ng Kalihim na siyang nakasasakop dito.

Dagdag pa ni Andolong, batid naman ng AFP ang lahat ng prosesong pinagdaraanan ng mga pinapasok nilang mga kontrata kaya’t kumpiyansa din sila na nasunod ang mga kinakailangang rekesitos.

Sa ilalim kasi ng naturang kasunduan, papayagang makapagtayo ng cell sites ang Dito Telecommunity sa mga pasilidad ng militar sa buong bansa para matiyak ang seguridad ng mga ito.

Pero nagpahayag naman ng pangamba ang ilang mga mambabatas sa seguridad ng mga pasilidad ng AFP sa posibleng pang-eespiya ng China sa pamamagitan ng Mislatel na bahagyang pag-aari ng China Telecommunications.