‘Kontra abuso hotline’ ng NFA, nakatanggap na ng maraming reklamo mula nang ilunsad

Limang araw mula nang ilunsad ng National Food Authority ang kanilang hotline na ‘NFA kontra abuso 0927-871-5921’ nakatanggap na ito ng mahigit 170 reklamo mula sa publiko.

Ayon kay Senior Enforcement Officer Edwin Mejos ng NFA-Security Services and Investigation Department, karamihan sa reklamo ay ang kawalan ng NFA rice sa mga pamilihan, rebagging activities ng imported rice ng ilang tiwaling traders at overpricing.

Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, lahat ng ipinarating na reklamo ay tinugunan na ng NFA.

Bago ito, mula Abril hanggang Mayo, halos triple ang dami ng reklamong natatanggap laban sa mga rice traders na lumabag sa trading laws na itinakda ng ahensya.

Mula Enero hanggang Marso, may 614 violators ang naitala ng NFA habang 1,667 apprehensions naman ang naitala sa buong bansa noong isagawa ang inspections sa buwan ng Abril hanggang Mayo.

Karamihan sa mga paglabag ay ang kawalan o non-renewal ng NFA license at ang hindi tamang paglalagay ng mga price tag.

Dadag pa ni Aquino, malaki ang naitulong ng partisipasyon ng publiko na siyang nagsisilbing mata at tenga para ma-monitor ang presensiya ng NFA rice sa merkado.  | ulat ni Rey Ferrer

 

Photo courtesy: National Food Authority