Konstruksiyon ng Manila COVID-19 Field Hospital, nasa 60% na

Inihayag ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng Manila, na nasa 60 percent na sila sa pagtatayo ng Manila COVID-19 Field Hospital.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, nasa ika-apat na linggo na sila sa konstruksyon ng nasabing field hospital, at positibo aniya siya na masusunod nila ang itinakda nilang araw ng pagtatapos.

Matatandaan na unang sinabi ng alkalde, na tatapusin nila ang pagtatayo ng field hospital sa loob ng 60 araw, kung saan matatagpuan ito sa Burnham Green sa Rizal Park.

Ang nasabing hospital ay ilalaan para sa mga indibdwal na may mild at moderate na kaso ng COVID-19.

Dagdag pa ng alkalde, inaasahan niya na sa buwan ng July ay magiging operational na ang COVID-19 Field Hospital.

Iginiit pa ng alkalde, na sa oras na magsimula na ang naturang field hospital, malaking tulong daw ito para lumuwag ang ibang hospital para sa non-COVID patients lalo na at mayroon itong 336-bed capacity.