Konseho ng Davao City, pinaghahandaan na ang pagbuo ng city budget para sa taong 2019

Nais malaman ni Davao City Councilor Danilo Dayanghirang kung ano ang pinagkagastusan ng siyudad sa budget nito  para sa taong 2017 at 2018.

Bilang chair ng Committee on Ways and Finance ng City Council, alam niya na meron pang natitirang halaga na hindi pa nagastos ng pamahalaang lungsod mula sa budget ng mga nabanggit na taon.

Sa Kapihan sa Dabaw Press Conference, inamin ng konsehal na mahalagang malaman ang sitwasyong pinansyal ng siyudad dahil dapat may paghahanda sa mga dapat pagkagastusan sa susunod na taon.

Pinagsisikapan na ngayon ng konseho ang pagbuo ng budget ng siyudad ng Davao para sa taong 2019.

Aniya, sa susunod na taon ay dapat malaanan ng budget ang mga police auxiliary ng barangay, mga miyembro ng Task Force Davao na tumutulong para sa seguridad at mga barangay health worker na pumupunta sa mga barangay.

Sila aniya ay dapat mabigyan ng honorarium. Bukod dito ay merong mga public school teacher na sinuswelduhan ng lungsod na dapat ding malaanan ng budget. | ulat ni Nitz Escarpe – DXRP Radyo Pilipinas Davao