Koneksyon sa ‘magnetic lifters’ ng 8-kilong shabu na nasabat ng NCRPO sa Caloocan kahapon, sisiyasatin ng PNP 

Sisiyasatin ng Philippine National Police (PNP) kung nanggaling sa ipinuslit na “magnetic lifters” ang nasabat na walong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P54.4 million pesos sa Joint operation ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), Caloocan Police Station, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon sa Caloocan City.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde kasabay ng pagpuri sa Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng NCRPO sa matagumpay na buy bust operation kahapon ng alas-10:30 ng umaga sa parking lot ng Victory Mall, 12th Ave., Grace Park, Caloocan City.

Sa naturang operasyon, arestado ang tatlong big-time drug pushers na kinilala ni NCRPO Director Guillermo Eleazar na sina: Nasrudin Mantikayan alyas Buts na principal suspek; Ibrahim Hassan; at Ampal Pala.

Ayon kay Albayalde ang mga nahuling suspek ay mga Muslim na taga-Cotabato na tatlong taon nang nasa Maynila at nag-ooperate sa NCR at Region 4-A.

Sinabi ni Albayalde na malaki ang sindikatong kinabibilangan ng mga suspek na pinamumunuan din ng isang Muslim na naka-base sa Cotabato.

Sa ngayon aniya ay hindi pa madetermina ng PNP kung ang supply ng droga ng grupo ay locally manufactured o galing sa ibang bansa na ipinuslit papasok ng Pilipinas.

Magugunitang inihayag ng PDEA na bumabaha ang supply ng droga sa ngayon sa Metro Manila dahil sa umano’y bilyong pisong halaga ng shabu na naipuslit sa bansa na nakasilid sa natagpuang abandonadong mga “magnetic lifters” sa isang warehouse sa Cavite kamakailan.  | ulat ni Leo Sarne