Kilos-protesta ng jeepney transport group na ACTO, muling ikinasa sa Lunes

Ibubunyag na sa publiko ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) Jeepney Transport Group ang anomalya sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Ayon kay ACTO President Efren de Luna, muling magsasagawa ng kilos protesta sa Lunes ang mga tsuper at operators ng ACTO sa tanggapan ng Department of Transportation (DOTr) sa Mandaluyong City.

Natuklasan ni De Luna ang anomalya na ginagamit na ngayong isang “investment scam” ang Transport Modernization Program.

Aniya, may isang Yellow Dot Transport Terminal Inc. na naniningil ng P250,000 kada operator, para mapabilang sa isang kooperatiba at magkaroon ng isang modernong jeepney.

Ang consolidation ay unang bahagi ng transport modernization program, kung saan, isu-surender ng isang individual operator ang kanyang prangkisa, at bubuo ng kooperatiba o korporasyon na siyang kokontrol sa mga bagong unit.

Paliwanag ng ACTO, huwag na silang piliting pumasok sa PUV Modernization Program, na ngayon pa lang, ay may mga basehan na sila na ito ay pinagkakakitaan lamang.

Base sa timeline ng DOTr-LTFRB, hanggang July, 2020 na lamang ang mga lumang modelo ng jeepney, at hindi na papayagang makapagbiyahe sa mga lansangan sa buong bansa.