Kill remark ng Pangulong Duterte laban sa mga obispo, bunga lang ng sobrang pagkainis – Palasyo

Bunga lang ng labis na pagkainis ang naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na dapat patayin ang mga obispong wala ng ginawa kundi ang pumuna’t bumatikos sa kanyang administrasyon.

Hugot ng pagkabuwisit ng Pangulo ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo ay ang tila hindi nakikita ng mga pari sa magagandang ginawa ng administrasyon.

Sa halip na makakuha ang Presidente ng suporta sa inaakala niyang grupong magbibigay nito sa kanya gaya ng simbahan, ay ito pa ang bumabatikos sa kanya.

Sa kabilang dako’y pinanindiganan din ng Palasyo na may basehan ang Pangulong Duterte nang tawagin nito ang simbahang Katoliko na isang “hypocritical institution”.

Ang nais aniyang palutangin dito ng Presidente ay ang gawain ng ilang alagad ng simbahan na taliwas o kaibayo sa mga itinuturo nito sa kanilang miyembro, habang muli nitong isinalaysay ang masamang karanasan noon ng Chief Executive mula sa isang pari na kung saan, nakaranas ang angulo ng sexual harassment.  | ulat ni Alvin Baltazar